Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na kasalukuyang pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagpapatupad ng partial operation ng mga bus at tren pagkatapos ng enhanced community quarantine sa Abril 30.

“Nung Lunes nagbigay ng mga studies ang ating bagong kalihim ng NEDA [National Economic and Development Authority] kung saan binanggit na kung magkakaroon tayo ng partial operability ng mga public transportation lalo’t higit sa mga buses, dapat merong tinatawag na hindi full capacity kundi 30 percent capacity upang sa ganun masundan at bigyang buhay ‘y0ng tinatawag na social distancing,” sabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkoles.

Bukod sa mga bus, pinag-aaralan din aniya ng IATF-EID ang limitadong operasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), LRT-2, Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), at Philippine National Railways.

“Ganyan din po ang gagawin sa LRT-1, LRT-2, MRT-3 at PNR. Kung papayagan po ng IATF magpa-partial operability tayo pero ‘y0ng operational capacity will be abbreviated at mababawasan upang ma-maintain ‘y0ng mga patakaran ng Department of Health sa social distancing,” dagdag ng kalihim
Kapag inaprubahan aniya ng IATF-EID ang mga rekomendasyon na inihain ni NEDA Secretary Karl Chua, kailangang panatilihin sa mga pampublikong sasakyan ang social distancing, hindi pasasakayin ang walang face mask, handwashing, at thermal scanning hindi lamang sa loob ng mga public utility vehicle kundi habang nakapila ang mga pasahero.(Issa Santiago/PNA)