Balik dine-in sa resto, salon inaaral ng DTI

Bukas ang Department of Trade and Industry (DTI) sa suhestiyon na muling payagan ang dine-in operation ng mga restaurant, pati na rin ang ilang serbisyo tulad ng barbershop at mga salon.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, kung maayos na ang health protocol ng mga resto at iba pang negosyo ay maaaring maibalik ang ilang serbisyo nila na napigil dahil sa enhanced community quarantine.

“Bukas may inspection tayo ng magsa-sample, magde-demo kung papaano ang health protocol sa restaurant para ma-evaluate natin kung maganda na proteksiyon ng workers at customers sa isang restaurant na magda-dine in,” saad ni Lopez.

Sa press briefing nitong Sabado, sinabi rin ni Lopez na posibleng buksan ang mga barbershop at salon sakaling lumipat na sa general community quarantine ang ilang lugar sa bansa.“May magde-demo din na barbershops and salons para kung tayo po ay magiging GCQ na ay ito po ay pinag-aaralan na rin ngayon kung dapat na rin silang buksan,” aniya pa. (RP)