Dati nang sumuko sa ilalim ng ‘Oplan Tokhang’ ng Philippine National Police (PNP) pero muling bumalik sa pagtutulak ng iligal na droga kaya hindi na ito sinanto ng mga awtoridad at kinasahan nang magpaputok habang inaaresto sa isinagawang drug-bust operations sa Quezon City kahapon ng mada­ling-araw.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nakilala ang isa sa tatlong nasawi na si Rodolfo ­Hallare Jr. y Somosa, alyas ‘Buboy’, 48 ng No. 154 Tendido St., Brgy. San Jose QC.

Ayon sa mga awto­ridad si alyas Buboy ay dati nang sumuko sa Oplan Tokhang, subalit muli umano itong bumalik sa pagtutulak ng iligal na droga.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang kasamahan nito nasa pagitan ng edad na 20-25 ang isa habang edad 45-50 naman ang isa pa.

Nasawi ang mga suspek sa isang buy-bust operation na inilatag ng tropa ng QCPD Station 1-Anti Illegal Drug – Special Task Group sa pangunguna ni P/Insp. Felipe Tumibay at sampung mga personnel nito.

Base sa pagsisiya­sat ni PO3 Jim Barayoga, ng CIDU may hawak ng kaso, nangyari ang insidente dakong alas-2:35 ng madaling-araw sa Tendido St., Barangay San Jose, Quezon City.

Sinasabing nasa aktong nag-aabutan ng items at ang poseur ­buyer na si PO3 Albert ­Santos at Buboy nang makatunog umano ang mga suspek at agad na pinaputukan ang mga pulis na nauwi sa engkwentro hanggang sa masawi ang mga suspek .

Narekober sa crime scene ang dalawang kalibre .45 at isang kalibre .38 na baril, mga bala, tingga at tatlong piraso ng plastic sachet ng shabu.

One Response