Tatlong katao kabilang ang magkapatid na una nang sumuko sa Oplan Tokhang ngunit nagbalik umano sa kalakaran ng illegal drugs, at isang hindi pa nakikila­lang lalaki ang patay sa buy-bust operation ng mga alagad ng batas sa ilalim ng Oplan Sama-Sama kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ng Northern Police District (NPD) ang mga nasawi na sina Ro­nald at Reagan Montoya o kilala sa bansag na Montoya Brothers, na pawang nasa drug watch list ng pulisya dahil sa talamak umanong pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang barangay at mga karating pang lugar.

Inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng isang lala­king napatay sa operasyon na hinala ng mga awtoridad ay nasa lugar lamang dahil sa iiskor ito o buyer ng Montoya Brothers ng droga.

Sa ulat ni Chief of Police P/Senior Supt. Johnson Almazan, ganap umanong alas-onse ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) sa Barangay 93 ng nasabing lungsod kung saan ay target nilang mahuli ang magkapatid.

Ngunit sa kasagsagan ng kanilang transaksiyon ay bigla na lamang umanong nakatunog ang mga suspek na mga ala­gad ng batas ang kanilang parokyano dahilan upang barilin nila ang mga ito. Doon na sila ginantihan ng putok ng mga awto­ridad na nauwi sa agaran nilang kamatayan.

Napag-alaman din na natunugan umano marahil ng mga suspek ang nasabing operasyon matapos na makita sa Closed Circuit Television (CCTV) sa paligid ng bahay na kanilang kinaroroonan ang mga pulis na nakapa­libot habang pinagbebentahan nila ang mga nagpanggap na buyer.

Na-recover sa mga suspek ang nasa tatlong hindi pa batid na kalibre ng baril at ilang pakete ng shabu na inaalam pa ang dami.

Nabatid naman sa kinakasama ni Reagan na tanging ang kanyang asawa at kapatid nito ang nakatira sa bahay kung saan sila napatay at hindi umano nila kilala ang isa pang nasa­wing suspek sa engkwentro.

Aminado naman ito na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang magkapatid, ngunit itinanggi na nagtutulak ang mga ito.

Dati na rin umanong sumuko ang mga ito sa ilalim ng Oplan Tokhang, subalit nagpatuloy pa rin sa paggamit.

Ayon naman sa tauhan ng kanilang barangay ay marami na ring nagre­reklamong residente sa lugar dahil sa ginagawa na umanong drug den ng Montoya Brothers ang kanilang bahay.

4 Responses

  1. Talaga namang babalik sila sa dating gawa. Halos lahat ay babalik talaga. Kaya mali ang strategy ng labanan ang droga sa pagpatay sa users at pushes. Hindi sila mauubos at madadagdagan pa hanggat my mabibili. HANGAT MAY MABIBILI…. HANGAT MAY MABIBILI.

  2. maraming pakitang tao ang pagsuko para abswelto na nga naman sila. pero wag ka, drama lang. kaya leksyon yan. suko-suko ka pa kunwari ha ayan tinapos ka tuloy sa bala. ok ah, balik droga tinapos sa bala. haha!