Balik eskuwela gawing Setyembre – Sotto

Isang panukalang batas ang inihain ni Senate President Vicente `Tito’ Sotto III para ilipat sa buwan ng Setyembre ang pagbubukas ng klase sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan sa buong bansa.

Nakasaad sa Republic Act No. 7977 na dapat sa unang Lunes ng Hunyo at hindi lalagpas ng huling araw ng Agosto maaaring magbukas ang klase kada taon.

Subalit dahil ilang linggo na lang bago mag-Hunyo, sinabi ni Sotto na kailangang iatras ang pagbubukas ng klase dahil sa patuloy pa ring banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sa inihaing Senate Bill No. 1438 ni Sotto, sinabi nitong mahalagang mabigyan ang Department of Education (DepEd) ng sapat na panahon upang makapaghanda at ma-adopt ang mga kaukulang hakbang para sa new normal ng educational system sa bansa.

Layunin ng panukala na amiyendahan ang RA 79777 at magsilbing enabling law para sa pagpapatupad ng rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ilipat ang klase sa Setyembre.

“The approved recommendation of the IATF-EID runs counter to the law. To remedy the situation created by COVID-19 and consequently allow the execution of the IATF-EID recommendation, this measure is being proposed,” sabi ni Sotto.

Matatandaan na sinuspinde ang klase sa lahat ng antas noong Marso 10 matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang national health emergency bunsod ng COVID-19 pandemic. (Dindo Matining)