Bilang kahandaan sa muling pagbubukas ng klase, maglulunsad ng help desk assistance ang Philippine National Police (PNP) ngayong araw.

Ayon sa Holding Safety Division ng PNP, mamamahagi rin sila ng crime prevention leaflets para mabigyan ng kaalaman ang mga estudyante laban sa krimen.

Paiigtingin din ang intelligence operation laban sa drug pusher sa paligid ng mga eskuwelahan.

Ang nasabing hakbang ay para na rin sa pagpapaigting sa seguridad at kontra krimen sa mga paaralan at estudyante ngayong panahon ng pasukan.

Kaugnay nito ay umaabot naman sa 2,000 traffic enforcers ang ipakakalat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbubukas ng klase at bilang paghahanda na rin sa nakaambang transport caravan ng PISTON.

Ayon kay Michael Salalima, deputy chief of staff ng MMDA, sa mga pangunahing lansangan ipakakalat ang mga enforcers para tumulong sa pagsasaayos ng trapiko.

Bandang alas-5:30 ng madaling-araw pa lamang ngayong Lunes ay ikakalat na nila ang mga tauhan na karamihan ay itatalaga sa malapit sa mga paaralan.

Sinabi ni Salalima na maghahanda rin sila ng sasakyan para umalalay sa mga estudyante na mahihirapan sumakay papasok sa eskuwelahan o maging sa pag-uwi dahil sa transport caravan.