Balik eskwela sa Agosto namumuro – DepEd

Posibleng sa buwan ng Agosto magsimula ang school year 200-2021.

Inihayag ito ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones matapos konsultahin ang iba’t ibang stakeholder.

Pero sinabi ng kalihim na ano man ang magiging desisyon ng DepEd ay nakasalalay pa rin sa kapasyahan ni Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng Abril 30 na siyang pagtatapos ng pinalawig na enhanced community quarantine.

“Nagkaroon kami ng konsultasyon sa iba’t ibang stakeholder at karamihan ay nagmungkahi na simulan ang pagsisimula ng klase sa buwan ng Agosto,” ani Briones.

Sa ganitong paraan aniya ay magkaroon ng sapat na panahon para makapaghanda sa pagbabago ng pamamaraan ng pagtuturo at para makasigurong malinis at ligtas ang mga kabataan.

Mayroon din aniyang survey ngayon ang DepEd para sa option na online schooling at mahigit 700,000 na ang tumutugon sa survey.

Sinabi ni Briones na sa kabila ng dinaranas na pagsubok sa COVID-19, hindi aniya dapat na matigil ang pag-aaral ng mga estudyante.

Nakasalalay aniya sa magiging desisyon ni Pangulong Duterte kung ano ang susunding pamamaraan ng pagtuturo sa sandaling magsimula ang “new normal” pagkatapos ng krisis sa COVID-19.

“Kung ano man ang rekomendasyon ng IATF [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases] at desisyon ni Presidente, mai-influence kung kailan magbubukas ng klase,” dagdag ni Briones.

Sakaling sa Agosto ang pasukan, sinabi ng kalihim na hindi masasayang ang dalawang buwan (Hunyo at Hulyo) dahil hinihikayat nila ang mga estudyante na ipagpatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng kanilang website na DepEd Commons.

Sa DepEd Commons ay bagong pamamaraan aniya ng edukasyon ang mararanasan na malayo sa nakagawian ng mga dating estudyante. (Aileen Taliping)