Dahil marahil sa mga puna ng mga netizens sa social media, ibinalik ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang neckbrace sa pagpasok sa Mababang Kapulungan ng Kongeso kahapon.
Magugunita noong Hulyo 19, ilang oras pagkatapos ilabas ng Korte Suprema ang ruling na nag-absuwelto sa kanya sa kasong plunder, may mga video at larawan ang lumabas kung saan walang nakakabit na neckbrace kay Arroyo.
Hindi ito pinalagpas ng netizens at naglabas ng iba’t ibang opinyon na karamihan ay hindi pabor sa dating Pangulo.
Gayunpaman, sa pagpasok ni Arroyo sa Kongreso, alas-nuwebe ng umaga kahapon o isang oras bago simulan ang session ng 17th Congress kung saan inihalal ang mga opisyales ng Kongreso, ay nakakabit na uli ang brace sa leeg nito.
Hindi pa rin ito nagpaunlak ng panayam pagdating at naispatang pumasok sa loob ng session hall pagkatapos awitin ang Lupang Hinirang na hudyat ng pagsisimula ng session ng Kongreso.
Nag-ikot sa session hall si Arroyo subalit hindi ito pinagkaguluhan ng kanyang mga kasamahan sa Kongreso hindi katulad noong Pangulo ito ng bansa na lahat ay nagbibigay galang at nakikipagkamay sa kanya.