Balik-tambalang Juday-Piolo, etchuserang Prague?!

judy-ann-piolo

71ST birthday ng buti­hing ina ni Judy Ann Santos-Agoncillo na si Mommy Carol Santos nung Linggo, February 25.

May papiging si Juday para kay Mommy Carol sa house nina Juday sa Alabang Hills Village, na sumakto rin sa monthly pamisa ng mga Agoncillo with family and friends.

Isa sa mga dumating na bisita ni Mommy Carol ay ang madir ni Piolo Pascual na si Mommy Amelia Nonato-Pascual. Mag-beshie sina Mommy Carol at Mommy Amy mula pa nu’ng high school sila.

Nakakatuwa dahil hindi in-expect ng mag-BFF na pagdating ng araw ay mag-aartista pareho ang mga anak nila, magiging superstar at magiging magka-loveteam pa.

Touched si Mommy Carol na dumating ang kanyang beshie sa intimate dinner party niya.

Naaliw kami nang bumati at bumeso si Mommy Amy kay Juday dahil biglang humirit ang madir ni Piolo ng, “May pelikula raw kayo?”

Reaksyon ng clueless na si Juday, “Alam n’yo agad, ako wala pa akong alam.”

“Sa Prague ang shoo­ting,” hirit ulit ni Mommy Amy.

Natatawa na naiiling si Juday dahil hindi niya alam ang tungkol doon at wala pang meeting na nagaganap.

“Naku, baka surprise, ah? Sabihin mo, wala akong sinabi, ha?” natatawang pakli ni Mommy Amy.

“Sasama kami diyan kung sakali,” sundot naman ni Mommy Carol, na type mag-join sa Prague if ever.

“Sama kaming dalawa (ni Carol), siguraduhin n’yo. Maganda du’n, eh!” second the motion ni Mommy Amy.

Dayalog pa ni mudra ni Piolo, ‘yun ang sinabi sa kanya ng anak niya bago ito umalis papuntang Berlin International Film Festival.

Medyo nagulat at nalukring nang slight si Juday dahil wala siyang kaalam-alam tungkol doon at wala pa siyang nakaka-meeting na may kinalaman sa anumang project with Piolo.

Ang alam namin ay nabanggit doon sa thanksgiving lunch para sa Ang Dalawang Mrs. Reyes na ang posibleng next project ni Juday sa Star Cinema ay with Piolo or with Claudine Barretto, pero idea pa lang ‘yon at wala pang pormal na usapan.

Kaya nabigla si Juday na may binabanggit nang location ang ina ng dati niyang ka-loveteam.

Siyempre, ang mga ganung bagay ay kaila­ngan pang upuan at masusing pag-usapan lalo na’t matagal nang hindi nagtatambal sina Juday at Piolo.

Mommy Amy kina Piolo at Shaina: ‘Sila yata, eh’

ANG matagal-tagal nang nali-link kay Piolo na si Shaina Magdayao ang kasama ng aktor sa 68th Berlinale kung saan nag-compete ang bagong Lav Diaz film na Ang Panahon ng Halimaw.

Magkasama ang dalawa sa nasabing pelikula at kinantiyawan namin si Mommy Amy na swit-switan ang anak niya at si Shaina sa Berlin.

“Sila yata, eh. Sila ba?” dayalog sa amin ni Mommy Amy, na hindi rin sure sa status ng dalawa.

Bet niya ba si Shaina para kay Piolo?

“Kahit na sino. Basta, gusto ko ng baby,” naka­ngiting sagot ni Mommy Amy, na parang noon pa namin naririnig sa kanya sa tuwing naiinterbyu siya ng press.

Feeling namin ay may panghihinayang si Mommy Amy na hindi nagkatuluyan in real life ang kanyang son at ang daughter ng beshie niyang si Mommy Carol.

Mukhang sa loob-loob niya ay si Juday ang gusto niyang maging manugang sa totoong buhay.

Natawa si Mommy Amy nang sabihin namin ‘yon sa kanya, pero mas natawa kami sa dayalog niya na hindi raw kasi nakapaghintay si Juday.

Hirit pa niya, ayaw na lang niyang magsalita dahil baka magalit sa kanya ang mister ni Juday na si Ryan. Ha! Ha! Ha!

Siyanga pala, hindi pinalad sa Berlinale ang Season of the Devil at hindi kagandahan ang nabasa naming review rito ng Variety.

Ang Romanian film na Touch Me Not na dinirek ni Adina Pintilie ang nagwagi ng Golden Bear.

Pero siyempre, karangalan pa rin na mapili ang isang Pinoy film para mag-compete sa nasabing prestihiyosong filmfest sa Germany.