Umasa ang Rain Or Shine kina Javee Mocon at Gabe Norwood sa krusyal na yugto ng labanan bago itarak ang 91-85 panalo kontra San Miguel Beer upang panatilling buhay ang tsansa sa quarterfinals ng 2019 PBA Governors Cup na ginanap sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Nagtala si Mocon ng 16 puntos, 14 rebounds at 4 assists habang si Norwood ay may 15 puntos, 7 rebounds at 2 assists.

Nagdagdag ang import na si Richard Ross ng 16 puntos, 12 rebounds at 4 assists.

Sinandigan ng RoS ang agaw ni Norwood sa huling 49 segundo at bago pinuwersa ang Beermen sa sumunod na yugto na sumablay upang ibalik ang abante sa 91-85.

Napaganda ng RoS ang kanilang karta sa 3-7 ­panalo-talo habang nahulog ang Beermen sa 6-4 record.

Isang tres ni import Jon Holland na sinundan ng isa pa ni Arwind Santos ang naglapit sa Beermen sa 87-85, 1:17 minuto pa ang natitira sa laban.

Tatlong sunod na tres ang ibinagsak ni Gabe ­Norwood sa ikatlong yugto na panghuli sa 4:50 minuto upang ibigay sa Rain Or Shine ang 22 puntos na abante sa 65-43.

Itinala ng Elasto Painters ang malaking 20 puntos na abante sa 44-24 matapos ibuhos ang 13-0 bomba sa natitirang 1:15 minuto ng ikalawang yugto mula sa apat na sunod na puntos ni Rey Nambatac.

Una namang itinala ng Beermen mula sa isang dunk ni Kelly Nabong sa 6:36 ng first quarter ang limang puntos na abante sa 8-3 bago nagsagawa ng pagbalikwas ang E-Painters na inagaw ang abante sa 18-11 matapos ang 12 minuto. (Lito Oredo)