BaliPure babawi sa Open Conference

Premier Volleyball League Logo

Kinapos ang BaliPure sa Premier Volleyball League Reinforced Conference matapos yumuko sa Pocari Sweat sa finals kamakailan lang.

Mga bata sa laban at ayon kay Water Defenders head coach Roger Gorayeb si three-time NCAA Most Valuable Player (MVP) Gretchel Soltones lang ang may experience sa dikdikang labanan.

“Masaya ako sa naging performance ng mga players ko dahil wala naman mga experience ‘yan, si Gretchel, (Soltones) lang tapos naka-abot kami sa championship round,” saad ni Gorayeb.

Dahil buo pa rin ang kanilang lineup naniniwala silang malaki ang tsansa nila ngayong Open Confe­rence na magsisimula bukas, (Sabado) sa Filoil Arena, San Juan.

“Unlike other teams, we weren’t able to get marquee players but we’re relying on our familiarity­ with one another to carry us through this confe­rence,” ani Gorayeb.

Bukod kay Soltones, huhugot ng lakas si Gorayeb kina, playmaker Jasmine Nabor, Risa Sato, Liz­lee Ann Pantone, Aiko Urdas. Jorelle Singh, Jerrili Malabanan, Iris Oliveros, Alyssa Eroa at Macy Mendiola.

Paniguradong mabibigyan ng playing time si Singh dahil walang mga reinforcements na kasali sa event na inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Mikasa at Asics habang si Malabanan star player ng Far Eastern University ay inaasahang magbibigay ng malaking impact ngayong conference.

“Jorelle will definitely get to play more as well as Jerrili, who was really impressive last conference,” hayag ni Gorayeb.