Sinorpresa ng import-less UST ang bigating BaliPure 21-25, 25-21, 25-23, 25-13 sa tampok na laro ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference kagabi sa PhilSports Arena sa Pasig.

Naka-recover mula sa isang set na pagkakaiwan ang Tigresses, nang ma­gising ay hindi nagpaawat para kolektahin ang pangatlong sunod na panalo sa gayunding dami ng laro.
Nasa unahan na ng pulutong ang mga taga-España.

Nagtulong sina team captain Pam Lastimosa, EJ Laure, Ria Mene­ses at sophomore Carla Sandoval para biguin ng UST ang BaliPure na ipinagmamalaki ang kanilang imports na sina Kate Morrell at Kaylee Manns.

Hawak ng Water defenders ang 16-13 sa third set, pumalo ng 6-3 run ang Tigresses para itabla ang iskor sa 19-all.

Nabuhayan ng loob ang España-based squad at nakipagsabayan para makuha ang mahirap na panalo sa set 3.

Si Mary Pacres ang hinugutan ng lakas ng T­igresses sa third frame.
Tumapos si Laure ng 23 points para sa UST, nag-ambag sina Sandoval at Lastimosa ng 12 at 11 points.

Sa unang game, pinagdiskitahan ng UP ang Coast Guard 25-10, 25-19, 25-15 sa likod ng game-high 19 points ni Diana Carlos na kinapalooban ng 14 attack points at two blocks.