Dumiretso sa semifinals ang BaliPure matapos paluhurin ang Creamline, 20-25, 25-23, 19-25, 25-18, 15-7 kagabi sa inaugural Premier Volleyballl League sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nagtulong sina Thai imports Jeng Bualee at Risa Sato sa fifth set at sinikwat ng Water Defenders ang unang outright semis berth sa six-team double round robin tournament na inorganisa ng Sports Vision.

Tangan ng BaliPure ang 6-5 abante, humataw sila ng 7-1 run sa pangungun­a nina Bualee at Sato para ilista ang ­seven-point lead.

May 7-2 karta ang BaliPure, tiyak na sila sa top two teams pagkatapos ng ­preliminary round.

“Medyo mahaba ang magiging pahi­nga namin pagkatapos ng huling laban, pagod na pagod na ‘yung mga bata dahil sunod-sunod ang laro namin,” ani ­BaliPure coach Roger Gorayeb.

Namuno sa opensa ng BaliPure si American reinforcement Jennifer Keddy na may 18 points, bumakas ng 16 at 15 sina Sato at Bualee.

Tumikada si Thai import Kuttika­ Kaewpin ng 26 puntos para sa Cool Smashers na nalasap ang pang-anim na talo sa siyam na salang.

Sa first game, pinalakas din ng Power Smashers ang tsansa sa outright semis berth nang pabagsakin ang Air Force 25-23, 16-25, 25-20, 25-23.

Sa 5-4, inakbayan ng Power Smashers ang Perlas sa third sa likod ng ­Pocari Sweat.

Pinamunuan ng 23 hits ni Thai import Kannika Thipachot ang Power Smashers, may 10 si Hyapha Amporn at 10 kay Jovelyn Prado.