Baliuag mayor tinamaan ng virus

Ipinahayag ng alkalde ng Baliuag, Bulacan na positibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) batay sa resulta ng pagsusuri sa kanya na inilabas nitong Martes, Marso 17.

“Nais kong personal na ipabatid sa inyo na ang inyong punong bayan ay nag-positibo sa COVID-19 batay sa resulta ng pagsusuring inilabas ng Research Institute for Tropical Medicine ngayong araw,” mensahe ni Mayor Ferdie Estrella sa kanyang mga kababayan na inilabas sa Facebook page nito.

Isinalaysay ng alkalde na noong nakaraang lingo ay nakaranas siya ng panghihina ng katawan at sipon at dahil katulad aniya ito ng sintomas ng isang positibo sa COVID-19 kaya minabuti niyang magpatingin agad sa doctor.

Ngayong araw ay lumabas na nga po ang resulta na ako ay kabilang sa may taglay ng nasabing virus. Kaya naman matapos kong makumpirma ang aking kalagayan, minabuti kong agad itong ipaalam sa inyo, dahil deserve nyong malaman ang totoo,”ayon kay Estrella.

Tiniyak din nito na kahit nagpapagaling siya ay naka-monitor pa rin sa mga kaganapan sa kanilang bayan.

Sa ngayon, maayos po ang aking kalagayan. At umaasang sa mga susunod na araw ay makakalabas na sa pagamutan,”ayon pa sa alkalde.

Printing employee ng Kamara tinamaan din

Isa pang kawani ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nagpositibo sa COVID-19 nitong Martes.

Sa isang pahayag, kinumpirma ni House secretary-general Atty. Jose Luis Montales ang ikalawang kaso ng COVID-19 sa Kamara na nagmula rin sa departamento kung saan galing ang unang kawani na pumanaw dahil sa nasabing sakit noong umaga ng Marso 15.

“We were advised that another employee from our Printing Service teste­d positive for COVID-19. He last reported for work on March 5,” payahag ni Montales na nakalathala sa opisyal na Facebook account ng Kamara.

Ayon kay Montales, ang ikalawang empleyado ng Kamara na nagpositibo sa COVID-19 ay una ng naghain ng medical leave noong Marso 6 at na-confine sa isang pribadong ospital nitong Marso 7.

Inakalang lagnat dala ng dengue lamang ang unang lumabas sa pagsusuri ng mga doktor dahil sa pabalik-balik nitong mataas na lagnat subalit lumitaw na positibo sa COVID-19 matapos ang mga ginawang pagsusuri noong Marso 12 at 14.

Inutos na noong Biyernes ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang isang buwang suspensyon ng trabaho sa buong Batasang Pambansa Complex kung saan nag-oopisina ang Kamara.(Juliet de Loza-Cudia/JC Cahinhinan/Eralyn Prado)