Baliwag ibabangon sa pagkabaon sa utang

Tumatakbo muling alkalde sa bayan ng Baliwag, Bulacan si dating Mayor Rolando ‘Lando’ Salvador dahil nais niyang ibangon ang pinag­lingkurang munisipa­lidad mula sa pagkaka­baon sa utang, pag­bagsak ng lokal na ekonomiya at mga walang kaluta­sang kriminalidad na nag­lagay sa bayan bilang number 1 sa Central Luzon sa usapin ng unsolved crime.

Ayon kay Mayor Salvador, lumalabang independent mayoralty bet ngunit bitbit ang kandidatura ni UNA presidential bet Jojo Binay, muli siyang lalahok sa halalan ngayong Mayo 9, bagama’t nanungkulan na siyang Baliwag Mayor mula 1998-2004, dahil nais niyang gisi­ngin ang mga kababayan upang pumili ng karapat-dapat na alkalde na mu­ling magpapasigla sa kabuhayan ng bayan.

Si Salvador ang nagpa­gawa ng Baliwag flyover, Tower clock na na­ging simbolo ng pagkaka­kilanlan sa Baliwag, pagpapa­ayos ng Glorietta, mapaganda ang daang-publiko at pamilihang ba­yan at siya din ang nag­simula ng night market at nakapagpatayo ng mga Barangay Hall sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Ipinagmalaki din niyang sa panahon niya at mga dating Mayor Cornelio Trinidad at Mayor Ediberto ‘Eboy’ Tengco ay walang utang ang munisipalidad ng Baliwag ngunit ngayon ay baon sa mahigit P100 mil­yon kaya matindi ang kanyang hangarin na muli niyang mapaglingkuran ang kanyang mga kababayan.

Ang bayan ng Baliwag ay posibleng malagay sa ‘hot spot’ dahil sa mainit na labanan sa mayoralty race at ito ang pinanga­ngamba­han ng mga supporters ni Salvador na hindi makalantad dahil sa takot sa kanilang kaligtasan. (Jun Borlongan)