Balkman, Alab Pilipinas handa nang sumabak

Sisikapin ng Alab Pilipinas na maging ikatlong koponan na makapag-uwi ng titulo para sa bansa sa pagsambulat ng ASEAN Basketball League (ABL) best-of-five finals kontra Mono Vampire simula ngayong Linggo sa Sta. Rosa Multi Purpose Complex.

Nagbalik ang Pilipinas sa liga matapos magpahinga ng dalawang taon noong 2014 at 2015, sa pagsali naman noong Agosto 2016 ay nakasungkit ng ikatlong puwesto.

“We’re really excited and want to achieve something for this team and maybe fulfill a promise for the great supporter of this team,” sambit ni Renaldo Balkman, na nagpamalas ng husay sa huling laro ng tropa tungo sa makasaysayan unang tuntong sa kampeonato.

Makakasagupa ng Alab ang Mono Vampire, na winalis ang Chong Son Kung Fu sa pagtakas nito ng 83-80 panalo noong Miyerkoles.

Ang Pilipinas ang tinanghal na pinakaunang kampeon sa liga matapos na magwagi ang AirAsia Philippine Patriots kontra Satria Muda BritAama ng Indonesia, 3-0, sa inaugural 2009-2010 season. (Lito Oredo)