Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre-San Juan City)
8:00 p. m. — Alab Pilipinas vs Macau Black Bears

Nasugatan sa kilay at napatalsik pa sa laro si PJ Ramos dahil sa reklamo na walang tawag sa contact sa kanya, samantalang nabalewala ang kinayod ni Renaldo Balkman na 27 points, 16 rebounds, one assist, at three blocks sa 72-73 pagkatalo ng San Miguel Alab Pilipinas.

Pilit iwawaksi ng San Miguel Alab ang hu­ling kabiguang iyon sa misyong makabalikwas muli ngayong gabi sa pagtaguyod sa Macau Black Bears sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng 2018-2019 ASEAN Basketball League elims sa The Arena, San Juan City.

Asam ng lider ng Alab ang ikapitong panalo sa loob ng siyam na laro sa ganap na alas-otso nang gabi upang kalimutan ang tripleng dagok sa last game, kabilang ang sugat sa noo ni two-time MVP na si Bobby Ray Parks Jr. na non-call din sa mga referee.

Nasilat ng Formosa Dreamers ang Alab nang maihulog ni Lee Hsueh Lin ang isang tres, may isang segundo na lamang sa laro para itakas ang 73-72 panalo noong Linggo sa Changhua County Stadium sa Taiwan.

Pero desidido makahulagpos sa dalawang sunod na semplang naman ang nasa ikalimang puwestong Macau Black Bears (6-4).