Maagang nagwakas ang buhay ng isang 27-anyos na balot vendor nang pagbabarilin ito ng isa sa riding-in-tandem criminals na inakalang bibili ng balot sa Brgy. Nagkakaisang Nayon, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa pinakamalapit na Novaliches District Hospital sanhi ng mga tama ng bala mula sa .45 na baril ang biktimang si Mark Jhon Penalba y Torres,  ng 100 Daang Maliit,  Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches.

Sa report ni SPO4 Ferdinand Geli, ng QCPD Novaliches Police Station 4, nangyari ang krimen dakong alas-11 ng gabi  sa  kahabaan ng  San Antonio St., corner Damong Maliit, San Antonio  Subdivision, Novaliches, Quezon City.

Sa imbestigasyon nakuha ni SPO4 Geli, busy umano sa pag-aayos ang biktima ng panindang balot nang dumating ang isang motorsiko sakay ang mga suspek na kapwa  naka-helmet .

Huminto umano ang motorsiklo sa ‘di kalayuan at nilapitan ang biktima na inakala pa marahil nito na bibili ng balot, subalit basta nalang umano pinagbabaril  ang biktima.

Nang matiyak na patay na ang pakay, mabilis na bumalik ang mga suspek sa kanilang motorsiklo na hindi na plakahan saka pinaharurot patungo sa General Luis Street sa nasabing lugar.