Balwarte ng Sayyaf sa Tawi-Tawi nilusob

Sinalakay ng Philippine Navy ang isang hinihinalang kuta ng Abu Sayyaf sa Tawi-Tawi ‘di-kala­yuan sa Sabah, Malaysia kung saan tatlong lalaki ang naaresto at tatlong speedboat ang nakumpiska.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awto­ridad ang tatlong lalaki kung may kinalaman sila sa mga kidnapping sa Sabah na ilang milya lamang ang layo mula sa Sitangkai Island kung saan naaresto ang mga ito.

Ikinasa ang operasyon ng elite Amphibious Ready Group (ARG) sa pangunguna ni Colonel ­Fernando Gomez at nabatid pa na nabawi ng mga tauhan nito ang isang shotgun at mga bala.

Ayaw umanong magsalita ng mga nahuli at ina­alam pa kung mga Filipino ito o Malaysians.

Walang ibang detalye na ibinigay ang mga awtoridad ukol dito dahil patuloy ang kanilang operasyon sa Tawi-Tawi.