Balya ni Bryant nagmarka kay James

balya ni bryant nagmarka kay james

Akala ni James Yap na joke lang noong una ang balitang namatay si Kobe Bryant nang mag-crash ang helicopter nito.

“Akala ko joke lang kasi nabasa ko sa group chat namin ng Rain or Shine,” ani Yap. “Si coach Caloy (Garcia) nag-post. Sabi ko, Totoo ba to?’”

Madalas daw silang maglokohan sa group chat ng Elasto Painters.
“Tinignan ko sa Twitter, sa balita, sa TV. Yun pala totoo,” bulalas ng veteran guard.

Nakalaro ni Yap si Kobe noong July 2011 sa una ng dalawang exhibiton games nito at ng ilang NBA stars. Si Bryant ang player-coach ng NBA, kasama si Yap sa PBA Selection.

Sa Smart Araneta Coliseum ‘yun, sa event na tinawag na Ultimate All-Star Weekend.

Binantayan ni Yap si Kobe sa post.

“Aminin natin, hindi naman ako masyado sa defense. Pero yung mindset ko nun, dedepensahan ko siya,” anang two-time PBA MVP.

Natapikan niya raw ng bola noon si Kobe, at nakatikim si Yap ng da-moves ng Black Mamba.

“Nagpo-poste sa akin, natapik ko yung bola, out-of-bounds sa baseline,” balik-tanaw niya. “Nung pangalawa, bigla niya ako brinaso, talsik ako.” (Vladi Eduarte)