Dismayado si Senador Bam Aquino sa desisyon ni Pangulong Duterte na buwagin ang Negros Island Region (NIR) dahil hihina umano ang pag-unlad ng ekonomiya at mahahadlangan ang pag-angat mula sa kahirapan ng rehiyon.

“We are disappointed with the decision to abolish the Negros Island Region amidst the Negren­ses’ appeal for unification,” ayon kay Aquino.

Ngunit umaasa pa rin ang Senador na matalakay pa ng Senado ang inihaing niyang resolusyon ukol dito.

Naniniwala ito na mahalaga pa rin umanong malaman kung ano ang magiging pangmatagalang epekto nito sa rehiyon.

Una nang inihain ni Aquino ang resolus­yon matapos ihayag ng pamahalaan ang plano na ipawalang-bisa ang Executive Order 183, na siyang bumuo sa NIR, kung saan pinagsama ang Negros Oriental, Negros Occidental at lahat ng siyudad, munisipalidad, at barangay na bumubuo sa dalawang lalawigan.

Layon ng NIR na pabilisin ang pag-unlad at paghahatid ng serbisyo sa mga siyudad at munisipalidad na bumubuo sa Negros Occidental at Negros Oriental.

Ngunit giit naman ni Aquino na kailangang isaalang-alang ng pamahalaan ang malawak na potensyal at pangmatagalang epekto ng pagkakaroon ng administration center sa Negros Island.

“This will enable greater efficiency in the implementation of development projects, and better and faster delivery of government services to Negrenses,” dagdag ni Aquino.