Bam ipapalit kay Trillanes sa Ethics

Si Senador Bam Aquino ang posibleng ipapalit kay Senador Antonio Trillanes na nagbitiw bilang miyembro ng ethic committee. Ayon ito kay Senate Minority leader Franklin Drilon.

“Since nag-resign si Trillanes we will nominate probably Bam Aquino as the substitute as replacement,” ayon kay Drilon.

Nagbitiw si Trillanes bilang miyembro ng komite matapos na sampaan siya ng ethics complaint ni Senador Richard Gordon.

“At this point, I’d be stepping down as a member of the ethics committee so as not to influence the case against me,” ayon kay Trillanes sa kanyang privilege speech.

Nitong Lunes ay hinain ni Gordon ang ethics complaint laban kay Trillanes bunga ng kanilang sagutan noong nakaraang linggo habang nagsagawa ng pagdinig kaugnay sa shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).

Ang Senate blue ribbon committee na pinamunuan ni Gordon ang nagsagawa ng pagdinig nang makasagutan nito si Trillanes.

Tinawag ni Trillanes ang komite ni Gordon na “committee de absuwelto” nang hindi sila magkasundo kaugnay sa kahilingan niyang pagharapin sa pagdinig sina Presidential Son Paolo Duterte at son-in-law Mans Carpio na idinawit sa tinatawag na Davao group.