Nagpasalamat si re-electionist Sen. Bam Aquino sa People’s Choice Movement (PCM) sa pagpili sa kanya bilang isa sa sampung kandidatong senador na kanilang susuportahan at ikakampanya para sa halalan sa Mayo.

“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa People’s Choice Movement sa kanilang pagkilala at tiwala,” wika ni Sen. Bam, na tumatakbo sa ilalim ng Otso Diretso slate.

“Napakalaking bagay rin po sa akin na napahalagahan po nila ang ating mga nagawa sa ­Senado. Ito po’y magbibigay-lakas sa aking magpatuloy ­kahit sa gitna ng mga paninira,” dagdag pa ni Sen. Bam.

Binubuo ng iba’t ibang grupong Katoliko, evangelical at protestante, nagsagawa kamakailan ang PCM ng convention kung saan mahigit 100 piling lider ang lumahok sa proseso ng pagtukoy sa mga susuportahang kandidato.

Ibinatay ng mga dele­gado ang pagpili sa karak­ter, kakayahan at abilidad, katapatan sa pagsisilbi sa bayan at ka­tapatan sa Diyos, Konstitusyon at sa mga umiiral na batas.

Si Sen. Bam ang na­nguna sa pilian na mayroong 120 boto, kasunod ng kasama sa Otso Diretso na sina Chel Diokno at Pilo Hilbay, na may 118 boto, at Erin Tañada (112).

“Napaka-makabuluhan po ng kanilang suporta dahil mula sila iba’t ibang mga faith-based groups na ang pamanta­yan sa pagpili ay kung ano ang makakabuti sa bayan,” wika ni Sen. Bam. (Aries Cano)