Bambol, Tatz umapela

NAGMAKAAWA at hiniling ng mga opisyales ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) kahapon na itago ang mga negatibong nagaganap sa isinasagawa sa bansa na ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games na nakatakdang magbukas sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Nobyembre 30.

Nakiusap sina Phisgoc Chief Ope­rating Officer Ramon ‘Tatz’ Suzara kasama si Philippine Olympic Committee (POC) President at Phisgoc Vice-Chairman Tagaytay Congressman Abraham ‘Bambol’ Tolentino na ituon sana ang mga balita sa mga atleta at sa iba’t ibang gaganapin sa mga sports.

Ito ay matapos naman ihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakda nitong paimbestigahan ang mga iniuulat na korapsiyon at mga negatibong nagaganap sa pagho-host ng bansa sa kada dalawang taong multi-sports na torneo tulad na lamang sa kakulangan sa pagkain at hindi pagsundo sa mga dumarating na atleta.

“Let’s help each other. I am appealing­ to everyone to put a good note on our hosting. Kapwa pa natin Pilipino ang naninira sa hosting natin. This is very normal. Always before the opening, there are a lot of adjustments. There are 56 venues, dapat dun magpuntahan. Let us be fair of bringing­ positive news,” sabi ni Suzara.

Ito ay matapos na maiulat na isang dayuhang atleta naman ang isinugod sa isang hospital dahil sa allergy nito sa kinain na chicken curry na hindi orihinal na timplado bilang Halal food.

Optimistiko naman si Tolentino na maiintindihan ng pangulo ang nagaganap na situwasyon.

“Everything now is in order,” sabi ni Tolentino. “Okay lang kung ganun ang reaction ng pangulo, pero pwede bang para sa bansa muna ang mga gagawin natin na balita,” sabi nito. (Lito Oredo)