Sang-ayon tayo sa pagba-ban ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga tricycle sa 15 pangunahing mga highways sa Metro Manila.
Kabilang sa mga lugar na pinagbabawalan nang dumaan ang mga tricycle ay ang kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA), Taft, Recto, Araneta, C4, C5, Roxas Boulevard, at ilang pang lugar na madalas daanan ng mga tricycle.
Bukod sa mga tricycle ay bawal na rin ang pagdaan sa major roads ng mga pushcart ng mga ambulant vendors, gayundin ang kuliglig na karamihan ay matatagpuan sa Maynila, Balintawak sa Quezon City at Baclaran.
Dapat naman ay bawal talaga ang tricycle at ang mga nabanggit na uri ng transportasyon sa mga pangunahing mga kalsada dahil malaking abala ang idinudulot nito sa daloy ng trapiko.
Sa totoo lang awa ang dahilan kaya pinpabayaan ang mga ito na magpakalat-kalat sa mga pangunahing kalsada habang may iba namang ginagawang gatasan lamang ang ganitong uri ng mga sasakyan ng mga traffic enforcers kaya dedma na lamang sila kahit paharang-harang.
Kaya tama ang ginawang ito ng MMDA na tuluyan na itong ipagbawal sa Kalakhang Maynila dahil isa sa nagiging sanhi ng masikip na daloy ng trapiko.
Sayang lang ang effort ng MMDA at mga local government units na maisaayos ang daloy ng trapiko kung patuloy na kukunsintihin ang pananatili ng nabanggit na mga uri ng transportasyon sa major roads.
Kung gusto nating mabago ang ating buhay na masyado nang napeperwisyo dahil sa monster traffic na araw-araw na bumubungad sa ating lahat naniniwala akong may kailangang magsakripisyo dahil ibayong ginhawa naman nating lahat ang nakasalalay dito sakaling magtutuluy-tuloy ang pagluwag na ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.