Banana peel power

Alam niyo ba na ang isang patapon na balat ng saging ay maaari pa lang magkaroon pa ng halaga?

Pwede mo itong gawing pang-polish ng leather na sapatos at silverwares. Direktang ipahid ang malambot na parte ng balat ng saging sa leather na sapatos, jacket o furniture pagkatapos ay punasan gamit ang malinis at malambot na tela.

Para naman sa silverwares, ihalo ang balat ng saging sa katamtamang sukat ng tubig at gamitin para panglinis sa mga ito.

Pampaputi ng ngipin. Ang potassium na nasa balat ng saging ay pinaniniwalaang makatutulong sa pagpapaputi ng ngipin. Ipahid lamang ang loob na bahagi ng balat ng saging sa iyong ngipin at ibabad ito ng dalawang minuto tsaka mag-toothbrush tulad ng normal na ginagawa para matanggal ang mga residue.

Pambawas sa kati dulot ng kagat ng lamok o insekto. Ipahid lang ang loob na bahagi ng balat ng saging sa kinagatan ng lamok o insekto para mabawasan ang pangangati, makatutulong din ito upang gumaling nang mabilis ang kinagatang bahagi.

Gumawa ng compost ‘tea’. Kung mahilig kang mag-alaga ng halaman, malaki ang maitutulong sa ‘yo ng balat ng saging. Ibabad lang ng ilang araw ang mga balat ng saging sa isang timba na may tubig.

Gamitin ito para diligan ang mga halaman. Ang mga nutrient sa sa balat ng saging ay makatutulong para maging maganda ang tubo ng halaman mo.

Gawing pang-facial. Nakararanas ka ba ng acne kahit lagpas ka na sa teenage years?

Subukan mo ang natural facial ingredient na madalas ay tinatapon mo lang. Siyempre unang kailangan ay gawing malinis at tuyo ang mukha, pagkatapos ay ipahid ang loob ng balat ng saging sa buong mukha at ibabad ito ng 30 minuto. Pagkatapos, maghilamos gamit ang maligamgam na tubig. Gawin ito ng ilang araw at tingnan ang magandang resulta.

Marami pang pwedeng gawin sa dating itinatapon mo lang, maging creative at gamitin ang puso –at siyempre, ang saging.