Banat ng biyuda ni doc: PNP COVID protocol nakamamatay

Kinuwestyon ng asawa ng nasawing police doctor ang COVID protocol ng Philippine National Police (PNP) na siyang dahilan ng pagkamatay ng kanyang mister.

Namatay si Police Captain Dr. Casey Gutierrez, 31, noong Mayo 31, matapos diumanong makalanghap ng disinfectant habang isinasailalim sa decontamination ang binabantayan nilang quarantine facility sa Philippine Sports Arena.

Sa kanyang Facebook post, humulagpos ang mga hinahakit ni Shella Distor sa pagpanaw ng kanyang mister at sinumbatan nito ang PNP sa nangyari.

Ayon kay Shella, binibigyan ang kanyang mister ng instruction na magtrabaho sa loob ng pitong araw at pitong araw din ika-quarantine at kung minsan ay limang araw ang duty at limang araw din ika-quarantine samantalang mga COVID positive na pasyente ang kanilang nakakasalamuha.

“Considering that they are exposed to covid positive patients! May sariling protocol ang PNP!..No swab tests done pinapauwi na, puro rapid test!.. that is suicide!,” sabi ng biyuda.

“You dont care about the families they may left behind, basta lang may magduty. Even the Decon protocol that caused his life, di kayo mgkaintindihan pano gawin!! That is why it’s ironic when u say PNP serve and protect!, u cant even protect your colleague, what should we expect from you???” ayon pa sa kanya.

Sa kanya pang FB post nitong Lunes, mensahe pa ni Shella para sa pumanaw na mister na paano niya mapatatawad ang mga may kasalanan sa pagkamatay nito gayong nakita umano niya kung paano pinabayaan ito.

“ When i witness all the lapses. Ngkamali na nga sila sa decon protocol, pati mismo sa PNP-GH pinabayaan ka pa nila!.. When i told them what happened to you pero nagbibingi bingihan sila… I can’t contain this anger! Parang sasabog ako!,” ayon pa kay Shella.