Matapos ang anim na taon ng aktibong pakikilahok sa pamahalaan, balik sa tahimik na pribadong buhay na ulit tayo.
Ngunit napagtanto ko na hindi rin talaga tayo tuluyang makakahulagpos sa tanikala ng gawaing gobyerno, kahit papaano.
Ang aking tinutukoy ay ang kahirapang makawala sa epekto ng polisiya at pangangasiwa sa takbo ng pribadong buhay bilang kolumnista.
Maaaring hindi makapagpigil, puwede ring “instinct” ang minsan ay naghahari. Gaya na lamang sa tila tingin ko ay magkakaugnay na pangyayari sa geopolitics sa Asya at pambansang larangan.
Kamakailan lamang, sa harap ng mga sundalo hindi nakapagtimpi si Pangulong Duterte sa isang talumpati nang maalala nito ang “panghihimasok” ng Ambassador ng Estados Unidos sa bansa noong panahon ng kampanya.
Paano’y naglabas naman kasi ng opinyon ang US State Department ng komento tungkol sa extra-judicial killings at paglabag sa karapatang pantao ng kasalukuyang giyera ng Pangulo laban sa iligal na droga.
Wala pang bente-kuwatro oras matapos ang panggagalaiting iyon ng punong ehekutibo, pasimpleng nailathala sa telebisyon at mga peryodiko ang balitang nakapagtayo na umano ng mga “military-grade” na pasilidad panggiyera sa Fierry Cross Reef — isa sa mga pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea kung saan nauna nang tinambakan at ginawan ng airstrip ng mga Tsino.
Opo, pasilidad panggiyera ang sinasabing naipatayo ng Tsina roon at sa ilan pang mga bahaging ni-reclaim nila at ginawa nang mga isla. Mga hangar o gusaling garahe ng mahigit sa 24 mga eroplanong panggiyera ng mga dayuhang manlalanggab. Ilang matatayog ding tore ang nandoon na hindi malayo ang wangis sa airport control towers sa mga paliparan.
Kumpleto ang impormasyon. May mga litratong kuha mula sa taas, pinitikan marahil ng mga satellite na nasa kalawakan, pati deskripsyon ay kumpleto ang mga pagsasalarawan.
Saan galing? Sinong pinagmulan? Center for Strategic and International Studies (CSIS) ng Washington lang naman. Kung ito’y magkaugnay o hindi, o kung ang mga ito’y may kinalaman sa isa’t isa, sa mga susunod na panahon na marahil mabubunyag ang kasagutan.
Pitik ba ito ng Kano, o ito’y bahagi lamang ng malalimang laro sa pandaigdigang larangan? Kayo na ang maghusga.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)