By Vick Aquino
Patay ang isang barangay kagawad habang sugatan ang kasama nito matapos na tamaan ng bala mula sa hindi pa nakikilalang suspek kahapon nang madaling-araw sa San Miguel, Pasig City.
Sa nakalap na report sa Eastern Police District (EPD), nakilala ang nasawing biktima na si Bobby Nazareth y Coronel, 43-anyos, Barangay Councilman ng Sagad, Pasig City at taga-E. Angeles St., Brgy. Sagad, Pasig City. Sugatan naman ang tricycle driver na si Larry Anto y Divina, 46, ng Pasig City.
Sa imbestigasyon ng Pasig Police, pauwi na ang mga biktima bandang alas-2:45 Sabado nang madaling-araw mula sa isang gig sa Inapuyan resto grill sa San Miguel, Pasig City.
Nabatid na miyembro sa isang banda si Nazareth kasama sina Ramon Balbastro Jr y Balanlayos, 61, guitarist at Anthony Salazar y Dela Cruz, 43, guitarist kung saan tumugtog sila sa Inapuyan resto grill.
Pauwi na sila sakay ng suking tricycle driver na si Anto nang pagsapit sa Mercedes Ave. ay bigla na lang umalingawngaw ang putok ng baril at makitang tinamaan ng bala ng baril si Nazareth at Anto.
Dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo ang nakita nilang nagpaputok ng baril.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 5 at Pasig Emergency Rescue team subalit idineklarang dead on-the-spot si Nazareth. Nagtamo naman ng bala sa likod si Anton at nakaratay ngayon sa Pasig City General Hospital (PCGH).
Masusi ngayong nag-iimbestiga ang Pasig Police kung sino at ano ang motibo ng salarin.