Bandana

Dear Dream Catcher:

Napanaginipan kong nasa bahay lang ako tapos may napansin akong nakakalat na bandana o scarf na kulay red. Hindi sa akin ‘yung scarf kaya hinawakan ko ito at sinipat-sipat habang iniisip ko kung sino ang may-ari ng red bandana. Iyon lang ang naalala kong part ng panaginip ko. Ano po ang ibig sabihin ng red bandana sa panaginip?

Marie

Dear Marie:

Ang bandana ay sumisimbolo sa isang sikreto. Posibleng merong naglilihim sa iyo o ikaw ang may inililihim sa iba. Pero ang kulay pula ay sumisimbolo naman sa kasiyahan at puwedeng sa pag-ibig.

Ang iyong panaginip kung bibigyan mo ng interpretasyon ay puwedeng tumutukoy sa isang sikreto na maaaring may kinalaman sa love. At ang sikretong ito’y puwedeng naghahatid ng kasiyahan sa iyo.

Puwede ring meron kang pinaplanong masa­sabing may kapilyahan. Puwede rin kayang may niluluto kang isang romantikong adventure sa isang hindi mo karelasyon?

Depende pa rin ito kung ano ang naramdaman mo nang makita mo ang bandanang kulay pula. Balikan sa isip ang naramdaman mo sa tagpong iyon sa iyong panaginip na nakakita ka ng bandanang pula. Kung ikaw ay naging excited, posibleng may isang pangyayari sa buhay mo na naghahatid ng ganitong pakiramdam. Kung dito mo maikokonek ang iyong panaginip, puwedeng may pinaplano kang isang malaking pangyayari na may kinalaman sa love at ito’y naghahatid sa iyo ng excitement.

Kung ikaw naman ay kinabahan o nag-alala dahil sa iyong panaginip, posible kayang nagdududa kang merong taong naglilihim sa iyo?

Ang bandana ay puwede ring indikasyon ng isang malaking pangyayaring magaganap sa iyong buhay at dahil nga sa kulay nito, positibo naman ang pangyayaring ito.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng a­ting panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.