Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang ginang sa kamay ng sariling anak na adik sa pagsinghot ng rugby matapos nitong pagsasaksakin at martilyuhin pa sa ulo ang kanyang ina nang mapagmakalan umanong aswang, nitong Lunes nang gabi sa Tacloban City.
Pinaglalamayan ngayon sa kapilya ng kanilang lugar sa Brgy. Sto. Niño ang biktimang nakilalang si Delia Ondes Betor, 59-anyos, habang nakakulong naman sa himpilan ng pulisya at sinampahan na ng kasong parricide ang suspek na si Germas Betor, 24-anyos.
Ayon kay Senior Inspector Edwin Canamague, hepe ng Tacloban City Police Station 2, alas-6:30 ng gabi nang madiskubre ang pamamaslang ng suspek sa kanyang nanay matapos na dumating ang isa pa nitong anak na nakilalang si Ferdie at makita ang duguang mga kamay ni Germas.
Tinanong ni Ferdie ang kapatid kung bakit ito maraming dugo sa kamay at inamin naman ng suspek na pinatay niya ang kanilang nanay dahil aswang umano ito.
Sinabi din ni Germas sa kapatid na pinatay din niya ang aso ng kanilang barangay chairman na kasama rin umanong aswang ng biktima.
Agad namang pinuntahan ni Ferdie ang nanay at doon nito nakita ang bangkay ng biktima na naliligo sa sariling dugo kaya agad siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad upang arestuhin ang suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagtamo ng walong saksak sa katawan ang biktima at mga palo ng martilyo sa ulo.
Ayon pa kay Canamague, hinala ng opisyal na posibleng nagawa ng suspek na patayin ang kanyang ina habang bangag ito sa rugby at nagha-hallucinate kaya napagkamalang aswang ang kanyang nanay.