Bangayan sa budget

Hindi maipapasa ng Kongreso ang 2019 General Appropriations Act bago matapos ang kasalukuyang taon. Ibig sabihin, papatakbuhin ang gobyerno batay sa badyet ng nakaraang taon. Hindi kapaki-pakinabang ito sa mamamayan sa iba’t ibang kadahilanan.

Bakit umabot tayo sa ganitong sitwasyon? Ang 2019 badyet ang pinakahu­ling biktima ng matin­ding bangayan ng dalawang paksyon sa loob ng naghaharing koalisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa isang panig, ang kanyang economic mana­gers, sa pangunguna nina Sec. Dominguez ng DOF at Sec. Diokno ng DBM. Sa kabila, ang dating Pangulo at kasalukuyang Speaker ng Kamara na si Gloria Arroyo at kanyang mga tinyente, sa pangu­nguna ni Majority Leader Nonoy Andaya.

Larangan ng kanilang giyera ang away sa 2019 badyet.

Unang indikasyon ng hidwaan ang pagpapatawag ni Arroyo sa economic mana­gers noong Agosto upang ipaabot ang kanyang limang rekomendasyon na magpapababa sa rumaragasang inflation (kabilang ang pagbaba ng taripa sa bigas, karne, at isda). Tila nagpapahiwatig na kapos ang pagsisikap ng mga kalihim kontra sa pagtaas ng presyo. Kapansin-pansin na hindi ipinatupad ng Malakanyang ang mga rekomendasyon ni Arroyo.

Sumiklab ang tunggalian noong Set­yembre, nang ilantad ng kampo nina Arroyo ang umano’y 55 bilyong piso na “insertions” sa 2019 badyet ng grupo nina dating speaker Alvarez, ka­sabwat ng mga “taga-Malakanyang.” Pagkatapos, inupuan ng pamunuan ng Kongreso ang pagpasa sa 2019 badyet hanggang sa huling bahagi ng Nobyembre.

Ngayong Disyembre, nilantad ni Sen. Lacson ang mga pork barrel insertion ng kampo nina Arroyo. Agad sinegunda­han ni Presidential Spokesperson Panelo ng hamon kay Arroyo na ipaliwanag ang P2.4 bilyong pork sa kanyang distrito.

Bilang tugon, nilantad ni Andaya sa isang privilege speech nitong Lunes ang mga pork insertion na nagkakahalaga ng milyon-milyon sa Sorsogon at Virac na nakorner ng iisang kontraktor lamang. Pinahaharap si Diokno sa isang Question Hour sa Kongreso upang ipaliwanag ang mga ito.

Isang bagay ang malinaw: Bihag ang 2019 badyet sa tunggalian para sa kontrol ng makapangyarihang economic cluster ng Gabinete ni Duterte. Inilutang na sa publiko na posibleng kapalit ni Dominguez sa DOF ang third-termer na si Arroyo. Samantala, third-termer din si Andaya, na dating kalihim ng DBM.

Bilang pangwakas, isang palaisipan. Sa kabila ng kanyang imahe bilang “strongman”, napilitan si Duterte na ibigay ang malaking bahagi ng kanyang gabinete sa militar. Ngayon, may hamon sa kanyang economic team. Tanong: Habang abala siya sa pagtatalak kontra sa mga drug addict, menor de edad at obispo, sino ang nagwawasiwas ng aktwal na kapangyarihan?