Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. — SMB vs. NLEX
7:00 p.m. — Star vs. Blackwater
Parehong astig at scorer ang imports ng San Miguel Beer at NLEX sa kani-kanilang panalo sa conference opener.
Sa Smart Araneta Coliseum mamaya, magtatapat ang Beermen at Road Warriors na iisa ang focus: Limitahan ang import ng kabila. Unahan sa ikalawang sunod na panalo ang SMB at NLEX para samahan sa tuktok ng PBA Governors Cup ang may tigalawang panalo nang Meralco at Mahindra.
Sa nightcap, magpapagpagan ng malas ang Star at Blackwater para makuha ang unang panalo sa season-ending conference matapos masilat sa kani-kanilang unang laro.
Sa bisperas ng match, problema ng magkatunggaling coaches kung paano ipoposas si Arizona Reid ng Beermen at si Henry ‘‘Bill” Walker ng Road Warriors. Parehong scoring machines.
“We cannot allow Walker to score 44 points again,” giit ni SMB coach Leo Austria hinggil sa produksiyon ng dating NBA campaigner sa 96-90 win ng NLEX sa Blackwater noong Biyernes. “If we do that, then our window of opportunity to win the game would be smaller.”
Markado rin ni NLEX coach Boyet Fernandez ang 41 points ni Reid sa 124-113 shootout win ng Beermen sa Phoenix noong Linggo: “With Reid there, it’s a tough game. We just have to play solid team defense against SMB if we want to give ourselves a chance to win the game.”
Magandang balita sa Beermen ay may go-signal nang lumaro si backup center Yancy de Ocampo. Kaya lang, out pa rin dahil sa injuries sina Arwind Santos, Gabby Espinas at Chris Lutz.
May katulong na sina SMB big men June Mar Fajardo at JayR Reyes sa pakikipagbalyahan kina Asi Taulava, Rico Villanueva at Rob Reyes.
Nasa radar din ni Austria ang small guys ni Fernandez.
“(Kevin) Alas, (Jonas) Villanueva and (Mac) Baracael each scored double figures in their first game,” punto ng SMB coach. “If we cannot contain Walker, we must at least hold down the production of their scorers.”