Patay ang tatlong katao habang ang isa ay nawawala­ pa sa tumaob na bangka sa Palanan, ­Isabela ­kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mylene Silva, residente ng Bataan Province; Joel Tuppil at ­Dimasalang Valenzuela na kapwa residente ng Cauayan City.

Tinukoy naman ang nawawalang pasahero na si Ronald Silva na residente ng Bataan.

Ayon sa ulat, sakay ng MV Jamil na pag-aari ni Roger Sahagon at boat captain na si Mansio dela Cruz, ang 53 katao nang maganap ang insidente.

Galing sa Palanan, Isabela ang mga pasahero at pauwi na sana sa Dilasag, Aurora nang hampasin ng malalakas na alon ang sinasakyan nilang bangka na naging sanhi ng pagtaob nito.