Isang bangkay ng lalaki ang bumulaga sa ilog Pasig na sakop ng Intramuros, Maynila kahapon ng umaga.
Inilarawan ang biktima na may taas na 5’5” hanggang 5’7”, naka-camouflage na sando at itim na Adidas na short.
Sa report ni Det. Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District-homicide section (MPD-HS), dakong alas-7:45 ng umaga nang matagpuan ang lumulutang na katawan ng biktima sa ilog Pasig, malapit sa Plaza Mexico River Bus Ferry sakop ng Intramuros, Maynila.
Ayon kay PO3 Leandro Broas ng Philippine Coast Guard (PCG), napadaan ang isang tug boat sa nasabing lugar nang mapansin ang katawan ng isang tao na nakalutang.
Agad namang ini-report sa PCG ang insidente na siyang nag-ahon sa katawan ng biktima bago ini-report sa pulisya.
Dahil lumobo na ang katawan ng bangkay sa matagal na pagkakababad sa tubig ay hindi na makita kung may mga sugat ito sa katawan.