Nagulantang ang ilang motorista ng maispatan sa madamong bahagi ng Barangay Niog 2 sa Bacoor City Cavite ang kahina-hinalang travelling bag na inabandona sa harap ng Unisia Warehouse, Niog Road sa nasabing lugar.
Tumambad sa mga saksi ang isang bangkay ng lalaki na nakasilid sa loob ng bag. May mga tama ng saksak sa kaliwang dibdib at sikmura.
Nakabalot ng garbage bag ang biktima na pinagkasya sa loob ng travelling bag, nakabalot ng packaging tape at kulay pulang towel ang mukha, pati na rin ang mga kamay at paa nito, may nakapulupot ding alambre sa leeg at hinihinalang biktima ito ng salvage.
Ayon sa Bacoor Component Police Station, tinatayang nasa pagitan ng edad 35-45 ang biktima, may taas na 5’5″-5’6″, nakasuot ng puting kamiseta at maong pants, naka tattoo ang katagang “Michaela” sa kanang dibdib at “3 stars and a sun” naman sa likurang bahagi ng katawan nito
Narekober rin sa bangkay ang isang heat sealed teansparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na posibleng may koneksyon sa dahilan ng pagkamatay nito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cavite Police kung biktima ito ng summary killing o may kinalaman sa droga.