Bangkay itinapon sa bangin

Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan sa bangin sa Barangay Cale, Tanauan City, Batangas Sabado ng umaga.

Ayon sa report ng Tanauan City police, nadiskubre ng mga dumaraan sa lugar ang bangkay na nakagapos ang mga kamay at nakabulagta sa ilalim ng bangin.

Tinatayang nasa 5’2 ang taas ng biktima na nakasuot ng green na polo shirt at brown na walking short.

Ayon sa pulisya, posibleng biktima ng summary execution ang lalaki at pinatay sa ibang lugar saka itinapon ang bangkay sa nasabing bangin.

Pinaniniwalaang ginagawang tapunan ng mga salvage victim ang lugar matapos madiskubre ang isa pang kalansay at bungo sa eksakto ring lugar na binagsakan ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis at inaalam pa ang pagkakakilanlan sa biktima. (Ronilo Dagos)