Posibleng biktima ng summary execution ang bangkay ng lalaki na natagpuang nakasilid sa garbage bag na itinapon sa C.P. Garcia St., Brgy. UP Campus, Quezon City kahapon ng umaga.
Inilarawan ang hindi pa nakikilalang biktima na nasa 45-taong gulang, may taas na 5’4”, katamtaman ang laki ng katawan at may mga tattoo sa dibdib na ‘Boyong Reyes’, ‘Sampaga Baby’ sa likod at ‘Commando’ sa kanang hita.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) na pinamumunuan ni Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., dakong alas-siyete ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima.
Sa salaysay sa pulisya ng guwardiya ng UP Campus na si Ruel Flores, dakong alas-7:30 ng gabi ng Miyerkoles habang nagpapatrulya siya sa lugar nang may mamataang sasakyan na pumarada doon.
Pag-alis ng sasakyan ay nakita niyang may iniwan na garbage bag sa lugar na ibinalot pa sa packaging tape pero hindi umano pinansin ni Flores dahil sa akalang bangkay ng aso lamang ang laman nito.
Kinabukasan, nang mag-ikot muli si Flores ay naroon pa rin ang garbage bag kaya’t tinawag niya ang kolektor ng basura na si alyas ‘Ngongo’ upang tanggalin ito.
Doon na natuklasan na bangkay pala ng tao ang laman ng garbage bag kung kaya’t agad itong ipinagbigay-alam sa University Police na siya namang nag-report sa QCPD.
Posibleng itinapon umano ang bangkay sa naturang lugar upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.