May mga langaw na at nagsisimula ng maagnas ang bangkay ng isang call center agent nang madiskubre sa loob ng condominium unit nito, kamakalawa ng umaga sa Sta. Ana, Maynila.

Nakilala ang biktima na si Kenneth Lejon, alyas ‘Mia,’ lalaki, tinatayang nasa 30 hanggang 35-an­yos, at residente ng Unit 1-B, Carestate Building, na matatagpuan sa 2473 Zamora Street corner Liwayway Street sa Sta. Ana.

Ayon sa Manila Police District – Police Station 6, dakong alas-7:40 ng umaga nang madiskubre ng isang street sweeper ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang condo unit.

Bago ang pagkakadiskubre sa bangkay ay nagreklamo umano ang mga tenant ng ibang unit ng gusali, na may naaamoy silang mabaho sa kanilang paligid, kaya’t pinakiusap­an si Marissa Labastida, 46, isang street sweeper, na maglinis at alamin kung saan nagmumula ang masangsang na amoy.

Habang naglilinis ay napansin naman umano ni Labastida ang mga langaw na paikut-ikot sa pintuan ng unit ng biktima kaya’t sumilip sa bintana at dito nadiskubre ang nilalangaw na bangkay na nakahandusay sa sahig.

Kaagad namang inireport ni Labastida kay Barangay Chairwoman Margarita Nabablit ng Barangay 782, Zone 85, ang nadiskubre, na siyang nagreport sa pulisya.

Patuloy namang ina­alam ng pulisya kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.