Hubo’t hubad at wala nang buhay nang mabungaran ang isang 24-anyos na dalagang nagtatrabaho sa isang KTV bar sa harapan ng warehouse ng isang courier company Miyerkules ng umaga sa bayan ng Naval sa lalawigan ng Biliran.
Bukod sa walang saplot ay naliligo din sa sariling dugo nang matagpuan ang biktimang nakilalang si Michelle Flores alyas Princess Mae Flores, 24, residente ng sitio Tubod Barangay Tabing, Tabango, Leyte at stay-in sa V&C Compound sa Castin st. Barangay Sto. Nino sa bayan ng Naval kung saan siya nagtatrabaho.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:00 ng umaga ng matagpuan ang bangkay ng biktima ng isang Romeo Barili, 37, delivery van driver ng courier company na LBC sa harapan ng kanilang establisyimento sa Barangay Santissimo ng nabatid na bayan.
Agad naman niya itong ini-report sa pulisya kung saan mabilis na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga ito.
Ayon kay Naval Municipal Police Station (MPS) Chief Police Major Eriprando Castila, nakiusap siyang tingnan ang CCTV camera ng LBC at doon ay tumambad ang tunay na pangyayari sa pagkamatay ng biktima sa kamay ng hindi pa kilalang suspek.
Base sa kuha ng CCTV, dakong ala-1:30 ng madaling araw nitong Martes nang makitang may kasama ang biktima na isang lalaki na nasa edad 20-anyos na naka-sleeveless at short at pumasok sa compound ng courier company.
Nabatid na nagtatalo ang suspek at biktima hanggang sa iumpog ng lalaki ang ulo ng dalaga ng ilang ulit sa semento. Nang mawalan ng malay tao ay sinimilan itong hubaran ng damit at gahasain.
Matapos ang panggagahasa ay muli na namang iniumpog ng paulit-ulit ng suspek ang ulo ng biktima sa semento bago iniwan na wala ng buhay.
Ayon kay Castila, sa ngayon ay pinaghahanap na nila ang suspek na kitang-kita ang mukha sa CCTV dahil wala itong suot na face mask.(Edwin Balasa)