Bangkay ng drug suspects binebenta

Binebenta nga ba ang bangkay ng mga napapatay na drug suspects kapag walang kaanak na kumuha sa mga ito sa ospital o punerarya?

Base sa special report ng Unang ­Balita ng GMA News, ibinun­yag umano ng isang may ari ng punerarya na naipagbibili sa halagang P20,000.00 bawat isa ang bangkay ng ilan sa mga napatay na drug suspects.

Ayon pa sa ulat, ang mga ‘unclaimed corpses’ ay pinagsasama-sama sa isang mass burial subalit sinabi ng source na ilan sa mga bangkay ang ipi­nadadala sa ibang lugar gaya ng ospital para gamitin ng mga nag-aaral ng medisina.

Batay umano sa mo­nitoring ng GMA news, aabot na sa 412 drug suspects ang napatay hanggang nitong Hulyo 31.

“Hindi sa pag-aano, mayroon akong anak na kumukuha ng medicine. Ang anak ko kasama sa binabayaran iyon,” ayon sa source ng special report na itinago sa alyas na ‘Jun’.

Binanggit pa sa report na sa ilalim ng Presidential Decree 856, ang mga bangkay ay maaaring manatili sa loob ng 60-araw sa punerarya.