Isang naaagnas nang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na sinilid sa garbage bag ang natagpuang nilalapa ng mga asong gala sa loob ng isang subdivision sa Pililla, Rizal Sabado nang hapon.
Inaalam pa ngayon ng pulisya kung sino at taga-saan ang lalaking biktima na itinapon ang bangkay sa Lakeside Park Subdivision, Brgy. Quisao ng nasabing bayan.
Sa ulat ng Pililla Municipal Police Station, dakong ala-1:30 nang hapon habang naglalakad sa lugar ang isang Eunel Gobot, 45-anyos at residente ng subdivision, nang mapansin nito ang mga asong gala na tila may pinag-aagawang kainin sa isang garbage bag.
Laking gulat pa ni Gobot nang makitang may naaagnas na bangkay sa loob ng garbage bag kaya’t kaagad na ipinagbigay-alam nito sa mga opisyal ng barangay.
Hindi pa rin alam ng pulisya kung binaril o pinatay ang biktima sa pamamagitan ng patalim dahil halos tuklap na ang mga laman nito dahil sa mga kagat ng aso kaya dinala ito sa PNP Crime Laboratory upang masuri ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito. (Edwin Balasa)