Sa kabila ng pagpupuyos ng galit ni Mang Ronald, nangibabaw pa rin kay Isay ang labis na pagmamahal na ipinagkaloob niya kay Jun-Jun kaya’t sa halip na sumunod sa kagustuhan ng ama na ipagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo, mas pinili ng dalagita na sumama at makipag-live-in sa binatilyo na nangakong hindi siya pababayaan.
Sa mga unang taon ng pagsasama nina Jun-Jun at Isay, pakiramdam ng dalagita ay tama lamang ang kanyang naging desisyon nang tuluyang sumama sa binata na nagpakita naman ng pagsisikap na maitaguyod ang kanilang pagsasama kahit hindi sila nagpakasal.
Naging mabuting asawa sa mga unang taon ng kanilang pagsasama ni Isay si Jun-Jun lalu na’t hindi naman talaga matatawaran ang iniukol niyang pagmamahal sa dalagita mula pa nang tumuntong sila sa high school.
Hindi naman matanggap ni Mang Ronald ang naging desisyon ng anak dahil sa pakiwari niya ay nalinlang siya ng dalawa at sinamantala ang pagtitiwalang ipinagkaloob niya sa dalagita.
Ganito rin ang naging pahayag sa TUGIS ng hipag ni Isay na si Marife na nagsabing maging ang asawa niya na kapatid ng dalagita ay hindi nakatunog na may ginagawa na palang milagro ang hipag gayung mas madalas pang magtungo sa kanilang tirahang mag-asawa ang hipag.
Nang magdalang-tao si Isay sa una nilang anak ni Jun-Jun, kahit papaano’y naglubag na rin ang loob ni Mang Ronald lalu na’t nakakarating naman sa kanyang kaalaman na hindi naman nagiging pabaya si Jun-Jun at patuloy na nagsisikap na mapanatiling matatag ang kanilang pagsasama ng ka-live in.
Lalaki ang unang naging supling nina Isay at Jun-Jun na pinangalanan nilang Lawrence at dahil dito’y lalu pang naging masigasig si Jun-Jun upang patunayan na karapat-dapat siya sa pagmamahal ng kinakasama.
Dahil hindi maikakaila na hindi naman gaanong kalakihan ang kinikita ni Jun-Jun sa pagmamaneho, nagpasya sila ni Isay na huwag munang sundan si Lawrence upang matiyak na magiging maganda ang kinabukasang maipagkakaloob nila sa lalaking anak.
Gayunman, makaraan ang apat na taon, muling nagsilang si Isay ng isa pa nilang anak ni Jun-Jun na isang babae na pinangalanan naman nilang Dane.
Inakala ni Isay na ang pagkakaroong muli ng panibagong anghel sa kanilang inuupahang tirahan, bukod sa panganay na si Lawrence, ay lalu pang makakaragdag sa kanilang pagmamahalan ng kinakasamang si Jun-Jun.
Gayunman, kalaunan ay naging masalimuot ang mahigit siyam na taong pagsasama nina Isay at Jun-Jun dahil napapadalas na ang kanilang hindi pagkakaunawaan na minsan ay humantong pa sa pisikal na pananakit.
Sa panayam ng TUGIS kay Barangay 186 treasurer Mel Anelind Tabio, dumating din sa punto na tinangka pang saksakin ni Isay ang kinakasama matapos ang matindi nilang pagbabangayan.