Bangkay ni lola natunton sa umagos na dugo

Nadiskubre ang bangkay ng isang matandang babae matapos makita ng isang 10-anyos na bata ang umagos na dugo sa sahig sa ikatlong palapag ng kanilang tinitirhan kamakalawa sa Sta. Ana, Maynila.

Kinilala ng Manila Police District-homicide section, ang nasawi na si Carmelita Vargas, nasa pagitan ng edad 65-70, nakatira sa No. 2010 Dayang Street, Sta. Ana.

Nabatid na ala-1:00 ng hapon nang may tumulong dugo sa tinitirhan ng biktima dahilan para sabihin kay Lizandro Sanchez, 47, nakatira naman sa ikalawang palapag ng bahay at pamangkin ng biktima.

Ayon kay Sanchez, isinumbong sa kanya ng kanyang anak na may dugo na tumutulo buhat sa ikatlong palapag habang nakaamoy rin sila ng kakaiba dahilan para sila kabahan sa kalagayan ng tiyahing mag-isa sa itaas nila.

Bago umakyat sa tinitirhan ng biktima, nagtungo muna si Sanchez sa kanilang barangay upang humingi ng tulong. Pagbukas ng at kuwarto, tumambad ang nakahandusay na si Vargas at wala ng buhay.

Maayos naman ang kapaligiran sa bahay at walang palatandaan na pinasok at pinaslang ang biktima.

Gayunman, dinala sa Cruz Funeral ang bangkay para sa awtopsiya at malaman kung ano ang ikinamatay ng biktima. (Juliet de Loza-Cudia)