Namamaga at nagsisimula nang maagnas ang katawan ng isang 77-anyos na lalaki nang matagpuan sa tinutuluyang condo unit, kamakalawa ng umaga sa Malate, Maynila.
Positibong kinilala ng kanyang misis ang biktimang si Olegario Castillo, taga-1641 Caton St., Makati City.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, alas-10:28 ng umaga nang madiskubreng patay ang biktima sa loob ng Unit 820 ng Manila Grand Tower na matatagpuan sa Adriatico St., Malate, Maynila.
Nabatid na naglalagay ng hose ang mga security ng gusali para sa gagawing fire drill nang makaamoy ng masangsang sa harap ng pintuan ng unit ng biktima.
Dito na umano nakita ang biktima na nakadapa at namamaga na ang katawan indikasyon na may ilang araw na itong patay.
Ayon kay Amorsita, 76, asawa ng biktima, may isang linggo na umano ang nakakalipas nang huli niyang makita ang asawa matapos nitong magpaalam na pupuntahan ang kanilang property sa Tanauan, Batangas.
Wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima at kinumpirma naman ng misis nito na may sakit na high blood at sa puso ang kanyang mister kung saan mayroon itong maintenance na gamot.