Inaalam pa ng mga awtoridad kung sadyang nagbigti ang isang lalaki na natagpuang patay na nakasabit sa poste ng PLDT sa Barangay Bungad, Quezon City, Martes ng madaling-araw.

Inilarawan ni P/Capt. Nick Fontanilla hepe ng homicide section ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima na nasa edad 25 hanggang 30, may taas na 5’8, katamtaman ang pangangatawan, at nakasuot ng kulay blue na short pants at walang damit pang itaas.

Sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ng biktima na nakasabit sa poste ng PLDT sa kahabaan ng West Avenue, corner Bulacan St., Brgy. Bungad, QC, dakong 12:15 ng madaling-araw.

Ayon sa naka-duty na security guard na nakilalang si Arnold Deata sa West Wing Building, may isang bata ang nagsabi sa kaniya na may lalaking nakasabit sa poste at nang kaniyang alamin ay nakita nito ang nakabigting lalaki.

Agad na inireport ng guwardiya sa pulisya ang insidente. (Dolly B. Cabreza)