BANK ACCOUNTS NINA PAOLO AT MANS NAKALKAL

Sa pagdinig pa rin kahapon ng Senate blue ribbon committee kaugnay sa nakalusot na shabu shipment sa Bureau of Customs (BOC), kinalkal ni Senador Antonio Trillanes ang bank accounts nina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio.

Sa alegasyon ni Trillanes, nagtatalay umano ang bawat isa sa kanila ng mahigit sa P100 milyon sa kanilang mga accounts.

Si Paolo ay meron umanong P104,282,161 sa kanyang bank account habang si Carpio ay may P121 milyon.

Bagama’t sumagot naman si VM Duterte sa unang tanong ni Trillanes ukol sa bank accounts nito sa kalaunan ay hindi na ito sumagot at ginamit na ang kanyang “right to privacy”.

Dahil sa patuloy pa ring pag-usisa ni Trillanes kay Duterte partikular ang tanong kung may bank accounts ito sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) at Bank of the Philippine Islands (BPI) sa Davao City, bumuwelta na si Duterte sa pagsasabing, “Mr. Chair, do I have to answer this irrelevant question. I refuse to answer anymore, this is not part of the Inquiry.”

Maging si Presidential son-in-law Atty. Mans Carpio ay ginamit din ang kanyang right to bank secrecy nang usisain ni Trillanes kaugnay sa bank accounts nito at ng kanyang asawang si Davao City Mayor Sara Duterte.

Tumanggi ang dalawa sa hamon ni Trillanes na pumirma ng waiver para sa kanilang bank secrecy right.

Giit ni Trillanes sa pamamagitan lamang nito mapatunayan kung totoo ang kanyang sinasabing milyong bank accounts ng dalawa.

“Are you willing to sign it? Anyway, kung mali ako dito, the whole world will laugh at me. Are you willing to sign it?” pagtatanong ni Trillanes na sinagot naman ni Paolo ng “I will not sign the waiver” habang si Carpio ay nagsabing “I’m not familiar with the figures, I have the same answer.”