Bigong makalimas ng malaking pera ang mga kilabot na miyembro ng Termite Gang sa ginawang panloloob sa sangay ng Bank of Commerce sa Masaya St. corner Commonwealth Avenue, Diliman Quezon City kahapon ng madaling araw.
Tanging mga papeles lamang ang natagpuan ng mga suspek nang puwersahang buksan ang vault ng Bank of Commerce.
Nalaman ang pagnananakaw nang tumunog ang alarma ng bangko na konektado sa Quezon City Police District (QCPD) Station 9.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Station 9 sa pamumuno ni Supt. Alex Alberto at naaresto ang dalawang lalaki na inabutan sa lugar na hinihinalang mga miyembro ng Termite Gang.
Hindi muna binanggit ng pulisya ang pangalan ng mga suspek dahil isasailalim pa ang mga ito sa imbestigasyon.
Nabatid na binutas ng mga suspek ang pader sa likurang bahagi ng bangko para makapasok.
Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng QCPD, may pagkakapareho ang modus ng grupo sa panloloob sa isa pang bangko sa Quezon City noong nakaraang taon.
Parehas umano ang mga ginamit na materyales sa pagbutas ng pader at vault gaya ng bakal na pang-kalso at barena.
Dahil walang nakuha ang mga suspek, ang insidente ay itinuturing ng pulisya na isang bigong robbery.
Samantala, pinuri ni Eleazar ang mabilis na pagresponde ng Station 9 at hinimok ang iba pang mga bangko at establisimiyento na maglagay security alarm sa kanilang mga pasilidad.