Bank executive, ina at kasambahay minasaker ng adik

Habang pinoproseso ng mga tauhan ng SOCO ang lugar na pinangyarihan ng krimen, nabuo ang teorya ng pulisya na posibleng sa likurang bahagi ng bahay dumaan papasok ang salarin sa pamamagitan ng pagtawid sa estero.

Nagsagawa naman kaagad ng imbestigasyon sina Senior Insp. De Ocampo at PO3 Benitez at tinanong na isa-isa ang mga unang nag­respondeng barangay officials at ang driver na si Francis Lalin na siyang nag-report sa pulisya.

Sinabi ni Lalin sa pulisya na pasado alas-3:00 pa lamang nang mada­ling-araw nang magtungo na siya sa bahay ng pamilya Tan upang sunduin si Evelyn para ihatid sa Ninoy Aquino International Airport at wala naman siyang napu­nang kakaiba nang makara­ting sa tapat ng bahay ng mga biktima.

Gayunman, nagtaka siya kung bakit hindi nagsalita si Evelyn nang tawagan niya sa cellphone upang ipabatid na malapit na siya sa bahay ng mga biktima at nang muli niyang tawagan ay hindi na niya muling nakontak ang mobile phone nito.

Pagdating aniya niya sa harap ng bahay ng mga biktima, kinatok niya ang pintuang bakal subalit wala aniyang sumasagot. Halos 30-minuto aniya nilang kinatok, kasama na ang mga barangay tanod, subalit nanatiling nakapinid ang malaking pintuan.

Nagtanong-tanong din sina Senior Insp. De Ocampo at PO3 Benitez sa ilang mga residente sa lugar bukod pa sa mga opisyal ng barangay na unang nakapasok sa bahay at nakatuklas sa nangyaring pagmasa­ker sa mag-ina at kanilang kasambahay.