Ayon kay Sapitula, may natuklasan din na latent print sa bangkay ni Mabel na umano’y tumutugma rin sa fingerprints ni Oavenada bagama’t sa isang pulong-balitaan ay itinanggi ng EPD Crime Laboratory na may nakuha silang latent print sa bangkay ng dalaga habang ang iba pang nakuhang latent print sa lugar ng krimen ay hindi tumugma sa kanyang fingerprints at posibleng mula sa kanyang kasabwat sa krimen.
Sa pahayag naman ni Supt. Isidro Carino ng EPD Crime Laboratory, nakakuha rin sila ng latent print sa linoleum sa tabi ng bangkay ni Mabel na hindi tugma sa fingerprints in Oavenada kaya’t matibay ang posibilidad na hindi lang isa ang may kagagawan sa krimen.
Idinugtong pa ni Supt. Carino na malinaw ang mga senyales sa isinagawang pagsusuri sa bangkay ng biktima na ginahasa siya ng mga salarin dahil may nakitang mga pasa sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
Gayunman, hindi na sila nakakuha sa maselang parte ng katawan ng biktima ng spermatozoa o katas ng pagkalalaki ng salarin dahil sunog na sunog ang ibabang parte ng kanyang katawan.
Malaki rin ang paniniwala ng opisyal na walang malay-tao si Mabel nang isagawa ang pang-aabuso sa kanya dahil wala silang nakitang anumang palatandaan sa katawan ng biktima na nanlaban siya o pumalag man lamang sa mga salarin habang hinahalay.
Basag din ang bungo ng dalaga na kanyang ikinamatay na posibleng sanhi ng matinding palo mula sa matigas na bagay.
Lumabas din sa resulta ng forensic examination sa mga alluminum foil na nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen na positibong may bahid ng shabu ang dalawa sa limang piraso na malinaw na ginagamit din ang lugar bilang drug den.
Nauna ng inihayag ni Oavenada nang kuhanan siya ng pahayag, isang araw makaraang matagpuan ang bangkay ni Mabel, na dalawang lalaki ang kanyang nakitang kausap ng biktima bago nakita ang kanyang bangkay.
Idinugtong pa niya na may lalaki siyang namataan bago nangyari ang pagsiklab ng apoy sa abandonadong tanggapan na may hawak na pinagpira-pirasong karton na gagamitin sa tangkang panununog sa bangkay.
Nang isailalim si Oavenada sa drug test, kasama ang apat pang mga persons of interest, tanging siya lamang ang nagpositibo sa paggamit ng droga habang negatibo ang apat na kalalakihang inimbitahan ng pulisya.
Ayon kay Sr. Supt. Yebra, hindi nagkakatugma-tugma ang mga pahayag ni Oavenada kumpara sa mga pisikal na ebidensiyang kanilang nakalap tulad na lamang ng inihayag niya na wala siyang ginalaw o hinawakang bagay sa lugar na kinaganapan ng krimen gayung may mga latent print na nakuha ang SOCO na tumutugma sa kanyang fingerprints.